𝗢𝗣𝗜𝗦𝗬𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚
𝗦𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝗹𝗮𝗯𝗮𝘀 𝗻𝗴 𝗪𝗼𝗿𝗹𝗱 𝗧𝗲𝗮𝗰𝗵𝗲𝗿𝘀’ 𝗗𝗮𝘆 𝗜𝗻𝗰𝗲𝗻𝘁𝗶𝘃𝗲 𝗕𝗲𝗻𝗲𝗳𝗶𝘁
Agosto 10, 2021 – Alinsunod sa pangako ng gobyerno ng tapat na suporta sa ating mga guro para sa kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon, inanunsyo ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na inaprubahan ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagpapalabas ng World Teachers’ Day Incentive Benefit (WTDIB), na nagkakahalaga ng P1,000 bawat pampublikong guro, para sa 2021. Ang magiging kabuuang halaga nito ay P910 milyon.
Inumpisahan sa administrasyon ni Kalihim Leonor Magtolis Briones, ang grant na WTDIB ay kinikilala ang mahalagang papel ng ating mga guro sa pagtugon sa mga hamon ng pandemya, lalo na sa pagtitiyak ng pagpapatuloy ng pagkatuto.
Sa kasalukuyang paghahanda para sa Taong Panuruan 2021-2022, nagpapasalamat kami sa ating 900,000 na mga guro na nagpamalas ng kanilang ‘di matatawarang pagnanais na maglingkod at turuan ang kabataang Pilipino.
Kami ay maglalabas na karampatang mga patnubay sa pagbibigay ng nasabing insentibo sa lalong madaling panahon.
Source: #DepEdPhilippines
0 Comments